Ang Makinarya. Bow!
Katatapos lamang kahapon ng araw ng halalan . Ang araw na pinakahihintay nating mga Pilipino upang mapakinggan muli ang tunay nating tinig. Ngunit tunay nga bang napakikinggan tayo at tunay bang nagwawagi ang syang tunay at lehitimong binoto ng mga tao?
Kahapon, nanood ako sa telebisyon na nasa ABS-CBN Channel 2. Pinanood ko ang Live na pagtutok ng ABS-CBN News and Public Affairs sa mg pinakasariwang balita ukol sa eleksyon. Sa aking panonood, isang salita ang tumatak sa aking isipan. "Bakit ang mga pulitiko ay willing pumatay at mandaya, makapaglingkod lamang sa bayan? ", ani Ted Failon. Mga salitang nakakatawa ngunit, totoo at nakakapanlulumo kung iisipin.
Kahapon na rin sinimulan ang pagbibilang ng mga balota sa bawat presinto. Gumanap ako bilang poll watcher isang lokal na kandidato sa aming distrito. Mayroong 214 na rehistradong botante sa dalawang presinto sa silid-aralan kung saan ako naatasang magmatyag (cluster daw ang tawag dito, pinagsama sa iisang silid-aralan ang dalawang presinto). Ngunit 126 lamang ang bumoto o 58.87 porsyento ng kabuuang bilang. May kani-kaniya silang mga dahilan, marahil na sumasalamin kung gaano hindi nagugustuhan ng mga tao ang pulitika ng bansa.
Sa presinto pa lang namin, nangunguna na ng malaking agwat ang mga pambato ng Oposisyon na pinangungunahan ni Chiz Escudero na sinundan ni Loren Legarda at iba pa. Sa kabuuan, 8 ang pumasok sa Oposisyon, 2 sa Administrasyon, at 2 Independent. Ganoon din ang kinalabasan sa ibang mga presinto, bagaman hindi na ako nagtataka sa bagay na ito. Natutuwa rin ako dahil isa lamang sa mga binoto kong kandidato sa pagka-senador ang hindi nakapasok sa unang 12.
Pag-uwi ko ng mga alas-11 ng gabi, nakita ko na nagsisimula na rin ang bilangan na ginagawa ng ABS-CBN at ng GMA at kapwa parehas ang lumalabas na resulta, 8-2-2. Nasabi ko sa sarili ko "Ewan ko na lang kung di pa manalo ang Oposisyon o mas marami ang pumasok sa Administrasyon."
Naalala ko tuloy ang mga salitang palaging sinasabi ng kampo ng Administrasyon na mas may tyansa silang magwagi gamit ang kanilang makinarya. Di ko alam ang ibig sabihin nito sa simula, ngunit para sa mga ordinaryong tao, mukhang magkakadayaan na naman. Ang makinarya kasi na tinutukoy ay napaka salimuot kung iisipin at kinakailangan pang ipaliwanag.
Natatakot ako na baka masayang lang ang botong pinag-isipan ko, ang paghihirap ng mga taong nagbibilang ng boto, sa dilim man o sa lupa, maitala lamang ang saktong boto at ang tiwala ng mga tao sa mga kandidatong kanilang binoto. Di biro ang ginagawa ng bawat taong nagsasakripisyo ukol sa bagay na ito at saksi ako rito.
Natatakot ako na mabalewala ang mga adhikain ng mga taong nararapat sa pwestong ninakaw ng iba. Natatakot ako!
Sana lamang ay maging makatotohanan ang resulta ng ginagawang bilangan. Dahil di ko gugustuhing sumunod sa pinunong hindi tunay na hinalal ng mas nakararaming Pilipino.
May 16th, 2007 at 10:45 pm
>>Tulad mo mrmi taung nagiisip ng gnyan,kung bkitisa sa disastrous days ng bansa ang halalan..mganda po ung post mu..I learn some things from you..keep your blogging..!